Ang pagsusuri ng bituka (bowel screening) na ginawang simple
Ang kanser sa bituka ay karaniwan, at madalas ito ay tumutubo nang walang sintomas. Mahalaga ang maagang pagkatuklas nito, at maaaring mailigtas ng bowel screening ang iyong buhay.
Ang mga taong may edad na 45-74 ay maaaring magpasuri sa pamamagitan ng libreng National Bowel Cancer Screening Program. Kumpletuhin ang iyong test kit kapag dumating na ito sa iyong bahay sa pamamagitan ng koreo.
Kung hindi ka sigurado tungkol sa bowel screening test, may ilang kasagutan ang mga maiikling video sa ibaba.
Para kanino ito?
Dapat mayroon kang Medicare card.
Ang mga taong may edad na 45-49 ay maaaring humiling ng kanilang unang test kit.
Ang mga taong may edad na 50-74 ay padadalhan ng test kit kapag nakatakda na.
Duration 1:53
Bakit kailangan kong kumpletuhin ang test?
Ang pagpapa-screening ay isa sa mga pinakasimpleng hakbang na iyong magagawa upang manatiling malusog.
Maaaring hindi mo alam na lumalaki ang iyong panganib ng kanser sa bituka (bowel cancer) habang ikaw ay tumatanda. Kung maagang matutuklasan, siyam sa sampung kaso ng kanser sa bituka ay magagamot nang matagumpay.
Karamihan sa mga taong nagkaroon ng kanser sa bituka ay walang family history nito at maaaring walang napansing anumang sintomas tulad ng nakikitang dugo sa kubeta, pagbabago sa gawi ng pagdumi, pananakit ng tiyan, o hindi maipaliwanag na pagbaba ng timbang o pagkapagod. Kung mayroon kang mga sintomas anuman ang iyong edad, mahalagang talakayin ang mga ito sa iyong doktor.
Ang pagkumpleto sa pagsusuri sa bituka (bowel screening test) ay makakatulong sa pagtuklas ng mga pagbabago na maaaring humantong sa bowel cancer.
Kada dalawang taon, ang National Bowel Cancer Screening Program ay nagpapadala ng kit sa pamamagitan ng koreo sa mga lalaki at babae na may Medicare card, at may edad na 50 hanggang 74. Ang libre at simpleng test ay gagawin sa bahay. Hinahanap nito ang maliliit na bakas ng dugo sa iyong dumi, na kung mahahanap, ay dapat talakayin sa iyong doktor.
Sa kasamaang palad, anim sa sampung Australyano ay hindi nagkukumpleto ng kanilang test kit kapag ito ay natanggap. Siguraduhing gawin ang sa iyo at hikayatin din ang iyong mga kaibigan at kamag-anak. Maaari nitong iligtas ang kanilang buhay.
Duration 1:47
Paano ko kukumpletuhin ang test?
Ang pagsusuri sa kanser sa bituka (bowel cancer screening test) ay mabilis, malinis at madali, at magagawa mo ito sa sarili mong tahanan. Kabilang dito ang pagkuha ng dalawang maliliit na sample ng dumi, kung saan bawat isa ay mas maliit sa isang butil ng bigas gamit ang kasamang mga collection stick.
Kasama sa iyong test kit ang mga naipa-flush na mga paper liner upang manatiling nasa ibabaw ng tubig sa inidoro ang iyong dumi para hindi mo na kailangang hawakan ito. Dapat kunin ang dalawang sample mula sa dalawang magkahiwalay na pagdumi, mas mabuti na hindi hihigit sa ilang araw ang pagitan.
Kapag iyong nakolekta ang sample, mahalagang iimbak ito sa isang malamig na lugar. Pinakamaigi sa refrigerator, pero huwag sa freezer. At huwag kang mag-alala, dahil sa may proteksyong pakete (protective packaging), kaya walang panganib na makontamina ang ibang mga bagay sa iyong refrigerator.
Kapag nakolekta mo na ang iyong dalawang sample, ipadala sa koreo ang mga ito at ang mga nasagutang mga papel gamit ang reply paid envelope sa lalong madaling panahon. Hangga't maaari, subukang panatilihing malamig ang mga sample at dalhin ang mga ito sa Post Office sa loob ng 24 oras. Makakatulong ito upang matiyak na maaasahan ang iyong resulta.
Bagaman ang buong proseso ay mukhang hindi kasiya-siya o nakakahiya, maaari nitong iligtas ang iyong buhay.
Duration 1:31
Ano ang mangyayari kapag nakumpleto ko na ang test?
Ang resulta ng iyong test ay ipapadala sa pamamagitan ng koreo sa iyo at sa iyong doktor, kung may hinirang kang isa, ilang linggo pagkatapos mong ipadala sa koreo ang iyong mga sample. Ang bowel screening test ay magpapakita kung mayroon o walang nakitang dugo sa iyong mga sample.
Negatibo—Kung walang nakitang dugo, negatibo ang magiging resulta ng iyong pagsusulit at wala ka nang kailangang gawin pa, sa ngayon.
Mahalaga, gayunpaman, na makipag-usap ka sa iyong doktor anumang oras kung may napansin kang anumang sintomas tulad ng nakikitang dugo sa inidoro, pagbabago sa mga gawi sa pagdumi, pananakit ng tiyan o hindi maipaliwanag na pagbaba ng timbang o pagkapagod. O kaya naman, patuloy na magpa-bowel screening test kada dalawang taon sa pagitan ng edad na 50 at 74.
Positibo—Magiging positibo ang resulta ng iyong test kung may nakitang dugo sa iyong mga sample. Maraming maaaring dahilan at 1 lamang sa 29 na tao ang nadidiyagnos na may bowel cancer matapos ang positibong screening test.
Mangyaring talakayin ang resultang ito sa iyong doktor sa lalong madaling panahon.
Maaari kang humiling ng bagong kit kung:
hindi mo natanggap ang iyong test kit,
nawala mo ang iyong test kit, o
ang petsa sa likod na nakasulat sa pula ay lumipas na (expired).
Para umorder ng test kit, maaari mong:
gamitin ang Translating and Interpreting Service sa pamamagitan ng pagtawag sa 13 14 50 at pagkatapos ay hilingin sa tagasalinwika na tawagan ang 1800 627 701, o;
punan ang maikling online form sa Ingles. Maaari kang tulungan ng iyong provider ng serbisyong pangkalusugan o ng isang taong pinagkakatiwalaan mo sa pagpuno nito.
Kung mayroon kang anumang pag-aalala tungkol sa kanser sa bituka pagkatapos ng iyong ika-74 na kaarawan, maaari kang makipag-usap sa iyong provider ng serbisyong pangkalusugan.
Kung makatanggap ka ng positibong resulta, hindi ito palaging nangangahulugang mayroon kang kanser. Mahalagang makipag-usap ka sa iyong provider ng serbisyong pangkalusugan na maaaring magrekomenda ng karagdagang pagsusuri.
Your browser is not supported. Some functionality might not work as expected.